Kailangan ko ng tulong
Kung nasa Oman ka bunga ng mga hindi totoong pangako sa iyo, at lubhang naiiba ang iyong kalagayan sa trabaho kaysa sa inasahan mo, posibleng biktima ka ng pangangalakal ng tao (human trafficking).
Tumutugma ba sa iyo ang alinman sa mga ito?
- Kinuha ang pasaporte ko.
- Lubhang mas maliit ang suweldo ko kumpara sa ipinangako sa akin sa kontrata.
- Sapilitan akong pinagtatrabaho nang lubhang mas matagal kaysa sa nakasaad sa aking kontrata at hindi ako binibigyan ng dagdag na bayad.
- Wala akong mga araw ng pahinga kada linggo at hindi ako binabayaran sa pagtatrabaho sa mga araw ng pahinga ko.
- Sinasabi sa akin ng aking employer na may utang ako sa kanya bilang resulta ng pagso-sponsor niya sa akin at sa aking visa.
- Sinasabi ng aking employer na may utang ako sa kanya dahil sa aking tinutuluyan, pangangalagang medikal, o pagkain.
- May utang ako sa aking sponsor o recruitment agency kapalit ng pagdadala nila sa akin sa bansang ito.
- Pinagbantaan ako ng aking employer na ipapa-deport ako kung maghahain ako ng reklamo sa Pulisya o Ministry of Labor tungkol sa aking kalagayan sa trabaho.
- Minomolestiya o hinihipuan ako ng mga nakatira sa bahay kung saan ako nagtatrabaho.
- Ginugulpi ako ng aking employer.
- Pinagbantaan ako na sasaktan ako.
- Pinupuwersa akong makipagtalik sa mga lalaki.
- Gusto kong tumigil sa pagtatrabaho bilang prostitute at umuwi na pero hindi ako pinapayagan ng aking boss.
Kung oo, malamang na biktima ka ng human trafficking.
At, tandaan, biktima ka, hindi kriminal.
Handang makinig sa iyo ang Royal Oman Police. Sumailalim sila sa pagsasanay para tulungan ang mga taong tulad mo. Mapoprotektahan ka nila laban sa iyong employer. Kaya nilang wakasan ang iyong pagdurusa.
Ano ba ang dapat kong gawin?
Kung nakakalabas ka nang mag-isa, pumunta sa lokal na himpilan ng Royal Oman Police at sabihin sa kanila ang nangyari sa iyo. Puwede mo ring hilingin sa iyong kaibigan na makipag-ugnayan sa kanila para sa iyo.
Libre ang pagtawag. Nagsasalita ang mga pulis ng Arabic at Ingles
Kung hindi ka nakakapagsalita ng Ingles o Arabic, hilingin sa isang taong nakakapagsalita ng alinman sa mga wikang ito na tumawag sa kanila para sa iyo.
Ano ang mangyayari pagkatapos?
Iimbestigahan ng Royal Oman Police ang iyong kaso. Maaaring dalhin ka nila sa isang espesyal na shelter para sa iyong kaligtasan at kapakanan. Titiyakin ng mga support worker na ligtas ka at bibigyan ka nila ng shelter, pangangalagang medikal, at iba pang serbisyong kailangan mo bilang biktima. Wala kang babayaran para sa lahat ng serbisyo.